SAINT JOHN MARIE VIANNEY

ANG TALAMBUHAY NI SAN JUAN MARIA VIANNEY

July 28, 2014 at 8:50pm
ANG TALAMBUHAY NI SAN JUAN MARIA VIANNEY
(St. Jean Marie Vianney, Ang Kura ng Ars)
Pintakasi: mga Confessors at lahat ng mga Pari
Kapistahan: August 4

ANG TAWAG NG DIYOS

Ang buhay ng Kura ng Ars (CurĂ© of Ars-sur-Formans, France) ay isang kuwento na nagpapakita na “SA DIYOS AT ANG DIYOS AY WALANG DI MAPANGYAYARI.” Si Juan Maria Vianney ay isang tanyag na kumpesor, at lubhang iniibig at ginagalang ng kanyang mga parokyano. Iba’t-ibang mga tao ang naglakbay ng milya-milya at tumayo ng mahabang oras kahit sa gitna ng ulan, makausap lamang siya kahit sa ilang minuto, o kaya’y mapakinggan siyang nangangaral.

Ama at Ina:                        Matthieu Vianney at Marie Beluze
Isinilang at Bininyagan:      May 8, 1786 (Dardilly, Lyons, France)
Unang Komunyon:              June, 1799 (Abbe Groboz, asst. priest sa St. Croix, Lyons)
Tonsure:                             May 8, 1811

Subalit siya ay muntik-muntikan ng hindi maging pari. Una, ang kanyang ama ay nagtatalo-sira sa kanyang pag-alis sa kanilang bukid. Tapos, siya ay naitalang maglingkod sa sandatahan ni Napoleon Bonaparte (French General), at dahil sa iba’t-ibang pagkakamali ay na akusahang tumakas (o pugante) mula sa sandatahan, at kinakailangan niyang magtago sa halos dalawang taon. Nang siya ay makabalik, ay tunay nga namang nagkandahirap sa pag-aaral, lalo na sa Latin. Tapos, bumagsak siya sa pagsusulit (entrance exam) upang makapasok sa seminaryo. Nang sa wakas ay matanggap siya sa seminaryo (Oktubre 1813), siya ay bumagsak na muli sa huling pagsusulit (final exam) dahil nahirapan siyang magsulat ng maayos at nauumid ang dila sa oral exams (sapagkat ang lahat ng pagsusulit ay sa WIKANG LATIN).

Kinakailangan ang panghihingi ng espesyal na pahintulot mula sa Vicar-General (Abbe Bochard) ng France upang maordinahan, at ang panghihingi ay ginampanan ni Abbe Balley, masugid na guro at tagapagtangkilik ni Jean Marie Vianney. Sinuri muli si Vianney ni Abbe Bochard at ng mga kasama nito sa konseho sa WIKANG FRANCES at nasagot naman ng una ang mga katanungan. Kung kaya’t, kinunsulta ni Abbe Bochard si Abbe Courbon, ang tagapili ng mga oordinahan, ang huli ay nagtanong, “SI GINOONG VIANNEY BA AY MADASALIN … MAYROON BA SIYANG NATATANGING DEBOSYON SA MAHAL NA BIRHEN … NAKAPAGDARASAL BA SIYA NG ROSARYO?” “OO, SIYA AY MAGITING NA HALIMBAWA NG PAGKAMADASALIN,” tugon ni Abbe Bochard. “MAINAM, TATANGGAPIN KO SIYA. ANG BIYAYA NG DIYOS ANG SIYANG MAGPUPUNO NA SA LAHAT,” sabi ni Abbe Courbon.

Ang biyaya nga ng Diyos ang nanaig. Noong July 2, 1814, kapistahan ng Pagdalaw ng Birheng Maria, matapos ang marubdob na pagreretiro, ay nagpakita si Jean Marie Vianney sa Cathedral ng Lyons, ang simbahang metropolitana ng buong France, at siya ay tumanggap hindi lamang ng apat (4) na minoreng orden (minor orders), bagkus kasama na ang mayoreng orden (major order) ng sub-diaconate. Noong June 23, 1815, sa Lyons pa rin, siya ay inordinahang diakono. At halos dalawang buwan lang ang lumipas, AUGUST 13, sa harap ni Msgr. Simon, sa Kapilya ng Seminaryo ng Grenoble, SIYA AY NAGING PARI MAGPAKAILANMAN.

ANG GAWAIN NG DIYOS

Si Padre Jean Marie Vianney ay ipinadala sa Ars, isang liblib na bayan na may humigit kumulang na 40 kabahayan lamang. DITO NAGSIMULA ANG GAWAIN NG DIYOS. Sa simula ng kanyang paglilingkod bilang pari sa Ars, na halos lahat ay manginginom at laganap ang pagmumura, mga nagtratrabaho tuwing Linggo, ang mga tao ay nagpustahan pa kung hanggang ilang araw lang ang paring ito sa kanila. Subali’t laking gulat nila sa kabanalan at pagbabagong ipinakita sa kanila ng bagong pari.

Minan-manan nila ang bagong pari sa kanyang bintana at nakita nilang siya’y nagdarasal buong gabi. Napansin din nilang tinanggal niya ang mga maiinam na furniture sa rectory at ginawang parang bangan ang parlor (silid tanggapan). Ipinamigay niya ang kanyang mga damit sa mga mahihirap at kumakain lang ng dalawang patatas sa araw-araw. Ayon pa sa mga nakarinig sa kanya, “bagamat ang kanyang boses ay nakaririndi sa kanilang tenga, ang kanya namang mga sermon ay nakapag-papalubag sa kanilang mga puso,” dinalaw ang kanilang mga tahanan, nagpakumpisal at tinulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Tinulungan niya ang may-ari ng isang tindahan sa bookkeeping, nagmungkahi o nagturo ng lunas para sa ubo, at ng minsan may isang bahay-aliwan na nagsara dahil bumait na ang mga tao, gumawa siya ng paraan upang magkapera ang may-ari at bumili ng bukid, at saka niya pinagiba ang bahay-aliwan. Ang mga ito’y naging pangkaraniwan ng tagpo sa Ars, hanggang sa siya ay naging kaugnay-laman na ng buhay ng mga tao.

Labing-dalawang taon ang lumipas, at ang mga tao ay madidinggan mong nagsasabi: “ANG ARS AY HINDI NA ANG ARS.” Sapagkat ang lahat ay dumadalo sa 3 oras na Misa. Ang mga magbubukid ay nagdarasal ng rosaryo habang gumagawa sa bukid. At kapag si Padre Vianney ay nagpapakumpisal, ang mga tao ay handang tumayo sa pilahan ng maraming oras. Hindi nga nagtagal, nabalitaan na ng mga tao sa mga karatig parokya ang bagong paring ito. Dahil dito’y nagpanibagong anyo ang Ars, mula sa isang pamumuhay na walang kapararakan na may 4 na bahay-aliwan at kakaunting palasimba tungo sa isang bayang banal at matapat.

PAGBABALIK SA KALOOBAN NG DIYOS

Sa dulo ng kanyang buhay sa mundong ibabaw, si San Juan Maria Vianney ay dinalaw ng mga tao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Masigasig niyang inilaan ang kanyang panahon sa kumpisalan, mga 16 hanggang 18 oras araw-araw, na nabubuhay lamang sa ilang pirasong tinapay at kaunting oras ng pagtulog. Sa kanyang pananalig at pananalangin sa Diyos ay nakagagawa siya ng milagro ng pagtulong (aid) at paggaling (healing). Walang nag-aakala, mula sa kanyang mga kakilala sa pagkabata maging sa pagkabinata, na siya ay magiging napaka-mahalaga, maliban sa Diyos.

Siya ay naging bantog sa pagpapakumpisal. Subalit, ang lahat ay hindi naging madaling tagumpay. Sapagkat maging ang kapwa niya pari ay nainggit sa kanyang tagumpay at inakusahan siya ng pakitang-tao lamang ang lahat. Ang ibang mga parokyano, dala ng mga pagbabago sa parokya ay nagalit, gumawa ng hindi maganda sa rectory at nagpakalat ng tsismis laban sa kanya. Sa gabi, siya ay hindi pinapagpapahinga ng demonyoAng lahat ng ito ay payapa, mapagpaubaya at tapat niyang hinarap alang-alang sa pagsunod sa kalooban ng Diyos na siyang nagtalaga sa kanya sa paglilingkod sa kanyang bayan.

SI SAN JUAN MARIA VIANNEY MAGPASA-HANGGANG NGAYON AY NANATILING BUHAY NA LARAWAN NG ISANG PARI AYON SA PUSO NI KRISTO.

Dies Natalis:                         August 4, 1859 sa Ars-sur-Formans, France
Beatified:                             January 8, 1905 sa Roma ni Pope Pius X
Canonized:                           May 31, 1925 sa Roma ni Pope Pius XI

PANALANGIN KAY SAN JUAN MARIA VIANNEY

San Juan Maria Vianney,
Pintakasi ng tanang mga pastol ng kawan,
huwaran ka ng lahat ng nagnanais na magsilbi sa Diyos
at maglingkod sa kanyang bayan,
ipanalangin mo kami!

Walang kawalang pag-asa,
paghihirap o pagsubok ang humadlang sa iyo;
walang pag-uusig, pagdaralita o pagtitiis
ang kailanman nakasiphayo
sa iyong nag-aapoy na pagnanasang maglingkod.

Sapagkat ini-ugat mo ang iyong sarili
sa isang matibay at matatag na saligan-
sa taimtim na pananatili kasama si Hesus
na siyang pinagmumulan ng iyong lakas
at kumakatig maging sa iyong karupukan at kahinaan.

Turuan mo kami at tulungan
sapagkat mahirap ang aming mga panahon.
Maraming pagsubok at pangamba
at nanganganib kaming ianod at tangayin sa kawalan.
Akayin mo kaming kumatig lagi sa pagmamahal ng Panginoon
upang ang aming pagsisilbi ay magkaroon ng tunay na pamumunga.
Yayamang sinabi mo,
“Ang pagkapari ay ang pagmamahal ng puso ni Hesus”,
ipamagitan mong ipagkaloob sa amin gaya ng ginawa sa iyo
ang isang pusong hinubog ayon sa puso ng Panginoon
upang mahalin namin ang aming kawan
ayon sa wagas na pag-aalay ng sarili ni Kristo.

Ang puso ni Hesus ay marunong makinig
at makiramdam sa kilos ng Espiritu na nagpapakita sa kalooban ng Ama,
kumilatis nawa kami sa aming mga panahon
at hanapin ang landas na ipinatatahak sa amin.

Ang puso ni Hesus ay pusong nag-aapoy para sa Kaharian ng Diyos, 
magsumikap sana kami na maibigay ang aming abot kaya
upang maiambag para maipagkamit ng katarungan at kapayapaan.

Ang puso ni Hesus ay handang mag-alay ng buhay para sa tupa, gaya mo, 
ihandog nawa namin ang aming sarili para sa kawan,
tulad ng ating Mabuting Pastol. Amen.

fr.reynaldo rayo-capili,sss-03082013

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Abandon Not Your Ideals

Called, Gifted and Sent