“Ano ba ang ibig sabihin ng ‘Pananatili sa Pag-ibig ni Hesus?’ …
na kinakailangang gawin natin sentro ng buhay ang kanyang pag-ibig;
ang sentrong ito ay ang Eukaristiya; sapagka’t si Hesus ay nasa Eukaristiya.”
(San Pedro Julian Eymard, Marso 4, 1865)
EUKARISTIYA SENTRO NG BUHAY
Tunay nga pong ang Eukaristiya ang siyang bukal, sentro at tugatog ng ating Buhay-Kristiyano. Datapwat papaano tayong makararating sa antas ng pamumuhay na ito at makapananatili dito? Ang Salita ng Diyos sampu ng mga nabighani sa mga Salitang ito ay nagpahiwatig ng iisang kasagutan … Gawing Sentro ng Buhay ang Pag-ibig ni Hesus. Ayon sa pagninilay ni San Pedro Julian Eymard ang sentrong ito ay ang Eukaristiya; sapagka’t si Hesus ang Eukaristiya. Isinasaad ng ating pananampalataya na ang pag-ibig na ito ay siyang layunin ng Diyos (cf. John 3:16). Winika rin ni Apostol San Pablo … “Matiyaga ang pag-ibig at may kagandahang-loob. Hindi ito nagseselos, nagmamapuri, o nagmamataas. Hindi gumagawa ng di-tama o tumitingin sa sarili; hindi nagagalit o nag-iisip ng masama; hindi natutuwa sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagbabata sa lahat, naniniwala sa lahat, umaasa sa lahat at nagtitiyaga sa lahat” (1 Cor. 13 :4-7).
Kung si Hesus ang Eukaristiya at ang Eukaristiya ay ang Pag-ibig ng Diyos, tayo na namumuhay sa piling ng Diyos ay kinakailangang mamuhay sa kanyang pag-ibig; ibig sabihin, tayo’y maging matiyaga, magandang-loob, hindi nagseselos o nagmamapuri o nagmamataas o gumagawa ng di-tama o makasarili; hindi magagalitin o mapag-isip ng masama sa kapwa o natutuwa sa kasamaan bagkus nagagalak sa katotohanan, nagbabata, sumasampalataya, umaasa at nagtitiyaga sa lahat. Sa ganyang kaparaanan natin magagawa at mapapanatili na ang Eukaristiya ang siyang sentro ng ating Kristiyanong-pamumuhay. Kasihan nawa tayo ng Pag-ibig ng Diyos.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento